PATULOY na humahaba ang listahan ng tinagurian “Budol Gang” o grupo ng mga indibidwal na nabahagian ng P612. million confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
“Sa patuloy na pagsusuri ng Kongreso sa listahan ng mga nakatanggap ng confidential funds sa DepEd, may bagong grupo na naman—ang tinatawag nating ‘Team Amoy Asim,” ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V.
Ayon sa ranking House official, kabilang sa mga bagong pangalan na lumutang ang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”
“Ang mga pangalang ito ay dagdag sa humahabang listahan ng mga kahina-hinalang pangalan na umano’y ginamit upang bigyang-katwiran ang milyun-milyong confidential fund allocations sa ilalim ng DepEd,” wika ni Ortega.
Matatandaan na bukod sa kontrobersyal na “Mary Grace Piattos,” ilang miyembro rin ng “Budol Gang” ang nabunyag, kabilang dito sina “Renan Piatos,” “Pia Piatos-Lim,” “Xiaome Ocho,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at limang indibidwal na pawang pinangalanang “Dodong” bilang umano’y mga benepisyaryo naman ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Ortega, sina Liu, Amuy, at De Asim ay walang birth, marriage, o death records sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga pangalan na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (CoA).
“Una, may chichirya, may cellphone, at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang.’ Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim.’ Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” tanong ni Ortega.
Mula sa 1,992 na sinasabing nakatanggap ng confidential funds sa OVP, sinabi ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 ang walang death records.
Nauna nang ibinunyag ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na 405 sa 677 pangalan na nakalista bilang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd sa ilalim ni Pangalawang Pangulo Duterte ay walang birth records—isang malinaw na indikasyon na peke ang mga pangalan.
“Anong klaseng payroll ito? Lahat ng pangalan ay parang gawa-gawa lang. Imposible ang ganito kung sumusunod sa tamang proseso,” diin ni Ortega.
Sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan para sa paliwanag, hindi pa nagbibigay ng malinaw na sagot ang Pangalawang Pangulo.
Nang tanungin tungkol sa mga kahina-hinalang pangalan sa isang panayam sa The Hague, iginiit ni VP Duterte na hindi niya maaaring beripikahin ang mga dokumento dahil sa pagdududa sa chain of evidence.
“Kung maayos ang sistema, bakit parang magic na lang na napunta ang pera sa mga pangalan na wala namang pagkatao? Nasaan ang mga dokumento? Nasaan ang mga sagot?” ani Ortega. “Kung ito ay hindi panloloko, bakit hindi nila maipaliwanag nang maayos?”
Binigyang-diin ni Ortega na ang lumalaking bilang ng mga kahina-hinalang pangalan ay nagpapakita ng tila sinadyang modus upang mag-imbento ng mga benepisyaryo at abusuhin ang pondo ng bayan.
“Hindi ito simpleng kapabayaan. Peke ang mga pangalan sa liquidation. Nasaan ang kanilang pananagutan?” ani Ortega.
Sa nalalapit na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado sa Hunyo, hinimok ni Ortega si Duterte na itigil na ang mga palusot at direktang harapin ang mga alegasyon.
Nararapat lang din aniyang sagutin ang mga tanong>
“Kahit anong pagtatago ang gawin, aalingasaw at aalingasaw lahat ng mga ito,” diin ni Ortega. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
