MATAPOS maglabas ng pahayag ang Pangulo kaugnay ng pinakahuling water cannon incident ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea noong Abril 30, pinatawag at sinabon ng Department of Foreign Affairs ang isang senior official ng Chinese Embassy na nakabase sa Pilipinas.
“The Philippines protested the harassment, ramming, swarming, shadowing and blocking, dangerous maneuvers, use of water cannons, and other aggressive actions of China Coast Guard and Chinese Maritime Militia vessels against Filipino government vessels,” saad sa kalatas ng DFA.
Ang pinatawag – isang nagngangalang Zhou Zhiyong na tumatayong Deputy Chief of Mission ng Chinese Embassy sa bansa.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagtamo ng malaking pinsala ang sasakyang dagat na nakatakda sanang maghatid ng gamot, pagkain at krudo sa mga Pinoy na nangingisda sa Bajo de Masinloc.
Bahagya rin nasira ang sasakyang dagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa naturang water cannon incident.
“China’s aggressive actions, particularly its water cannon use, caused damage to vessels of PCG and BFAR. The Philippines demanded that Chinese vessels leave Bajo de Masinloc and its vicinity immediately,” wika pa ng DFA.
Wala pang pahayag ang Chinese Embassy.
