HINDI lahat ng Chinese nationals na pinapadeport ng pamahalaan, naibabalik sa bansang pinanggalingan, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kasabay ng pag-amin na may mga foreign POGO workers ang nagawang tumakas dahil connecting flights.
Para kay Director Winton Casio na tumatayong tagapagsalita ng PAOCC, sinasamantala ng mga Chinese nationals ang pagkakataon tumakas sa tuwing may stopover ang eroplano.
Mungkahi ni Casio, direct flights para sa mga Chinese nationals na dinedeport pabalik sa bansang pinagmulan.
“Lalo na kapag China, galing sa Maynila, may direct flights naman po ang mga papunta ng China. Hindi na kinakailangan ng mga stopover layover na ganyan. Ginagamit nilang pagkakataon yan para tumakas,’’ ani Casio.
Hirit pa ni Casio sa Bureau of Immigration-Deportation Implementation Unit, tablahin ang plane ticket ng foreign national ay may stopover.
Paglilinaw ni Casio, nagaganap ang takasan sa hanay ng mga mga dayuhang sa ilalim ng kategoryang voluntary deportation, gayundin sa mga mismong embahada ang nagpapatapon.
Sa hanay ng mga POGO workers na inaresto ng PAOCC, stand operating procedure aniya ng ahensya kumuha ng direct flights sa mga deportees na kanilang umanong sinasamahan bilang paniniguro.
Nakipag-ugnayan na rin umano sa PAOCC ang Chinese Embassy sa pakiusap na huwag payagan ang connecting flights para sa kanilang mamamayan na naaresto.
