NAKATAKDANG maglabas ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagtanggap ng campaign contribution ni Sen. Francis Escudero mula sa isang government contractor para sa 2022 senatorial bid.
Paglilinaw ni Comelec Chairman George Garcia, kapwa tumugon sina Escudero at Lawrence Lubiano ng Centerways Construction and Development sa show cause order (SCOs) na inilabas ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) hinggil sa P30 milyong donasyon na ipinagkaloob nng kontratista para sa kandidatura ng senador.
Pag-amin ni Garcia, “submitted for resolution” na ang usapin sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code.
Sa ilalim ng naturang batas, mahigpit na ipinagbabawal sa mga kontratista ng pamahalaan na mag-ambag ng campaign donations sa mga kandidato. Hindi rin aniya pwedeng tumanggap ng dobasyon ang isang kandidato sa mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno.
Sakaling napatunayang nagkasala, maglalaro sa isa hanggang anim na taon ng pagkabilanggo ang hatol ng husgado.
“The law does not make a distinction on whether or not a candidate wins or not, just that the liability is the same,” paliwanag pa ni Garcia.
Una nang sinabi ni Lubiano na ang donasyong ibinigay kay Escudero ay mula sa kanyang personal na pera at hindi mula sa kontrata sa pamahalaan.
Bagama’t umamin namang tumanggap ng donasyon mula kay Lubiano, mariing itinanggi ni Escudero na nilabag niya ang batas at nanindigang ang naturang donasyon aniya ay legal at fully declared.
