HINDI man magagawang awatin ang pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa bansa, nanindigan nang Department of Justice (DOJ) na hindi pahihintulutan ng pamahalaan paghahain ng mandamiento de arresto sa mga “persons of interest” sa likod ng extrajudicial killings na naganap sa nakalipas na administrasyon.
“Anybody, any foreigner can come here but as to whether they can do certain coercive actions, that cannot be done… once they do that they would have to face the consequences of being dealt with by the law enforcement agencies,” pahayag ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez.
Ayon kay Vasquez, malinaw ang nakatala sa liham ng ICC sa DOJ – ang kapanayamin ang mga persons of interest na kinabibilangan ni Senador Ronald dela Rosa at apat na heneral mula sa Philippine National Police (PNP).
Giit pa ni Vasquez, walang obligasyon ang pamahalaan sa ICC sa bisa ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute taong 2019.
“Ano yung mga coercive actions? Mag-aresto sila ICC? Hindi puwede. That would be a serious affront to our independence and sovereignty. Magpadala ng subpoena? Hindi rin sila pwede dahil hindi na nga tayo saklaw, eh,” dagdag ng opisyal.
Gayunpaman, una nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na walang plano ang pamahalaan na pigilan ang International Police Organization (Interpol) sakaling atasan magsilbi ng warrant of arrest laban sa mga personalidad na kinasuhan kaugnay ng mga extrajudicial killings na naganap bilang bahagi ng giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Remulla, patuloy na pinag-aaralan ng kagawaran ang posibilidad at epekto sa gagawing pakikitungo ng pamahalaan sa Interpol.
Sa panig ni Vasquez, naniniwala siyang kailangan muna dumaan sa proseso ang paghahain ng Interpol ng warrant of arrest sa mga tinaguriang “suspek”.
“Ang sistema ay magre-request lang ng assistance yung mga law enforcement para ipatupad yung warrant of arrest na inissue ng mga judicial authorities ng requesting country,” paliwanag ng opisyal.
“Now, kapag nag-request yung requesting party or country sa isang requested party or country ay ipapatupad yan, ipapadaan mo sa tamang proseso,” aniya pa.
