Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA ikalawang pagdinig ng quad comm ng Kamara, isang panibagong pasabog ang isiniwalat ng dalawang persons deprived of liberty (PDL) laban kay former President Rodrigo Duterte.
Base sa sinumpaang salaysay ng isang Leopoldo Tan mula sa Davao Prison and Penal Farm, taong 2016 di umano nang mag-alok ng kalayaan ang isang Superintend Gerardo Padilla sa kanya at isa pang presong kinilala sa pangalang Fernando Magdadaro – kapalit ng pagpatay sa tatlong dayuhang bilanggo – sina Chu Kin Tung, Li Lan Yan at Wong Mien Pin.
Bagamat diskumpyado, inamin ni Tan na nagawa pa niyang magtanong kung sino ang nagpapatrabaho – bagay na tinugon naman di umano ni Padilla na hayagang nagsabing “may basbas yan sa taas.”
Sa pagnanais makalaya, isinakatuparan ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng maximum security compound ng nabanggit na paitan.
Pagkatapos ng “trabaho,” pinapunta di umano sila sa Investigation Section kung saan di umano niya dinatnan si Padilla habang kausap sa telepono ang isang pamilyar na tinig na wari niya’y si Duterte – na kinumpirma naman aniya mismo ni Padilla.
Kwento pa ni Tan, tumawag di umano ang punong ehekutibo para batiin si Padilla para sa matagumpay na “trabaho.”
Gayunpaman, hindi di umano tumupad sa usapan si Padilla. Nakakulong pa sina Tan at Magdadaro sa Davao Prison and Penal Farm.
Sa muling pagkakadawit ni Duterte, inaprubahan ng quad comm na pinamumunuan nina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs; Santa Rosa Rep. Dan Fernandez (Committee on Public Order and Safety); Manila Rep. Bienvenido Abante (Committee on Human Rights); at Committee on Public Accounts Chairman Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, ang mosyon na anyayahan sa susunod pagdinig ang dating Pangulo.
