Ni EDWIN MORENO
HINDI nagtatapos sa sibakan sa pwesto ang nabistong raket ng mga pulis na rumaraket bilang bodyguard ng mga dayuhan.
Sa isang kalatas, target ng Philippine National Police (PNP) maglunsad ng mas malalim ng imbestigasyon matapos mabisto ang dalawang pulis-Zamboanga na rumaraket na escort ng isang Chinese national na nakabase sa lungsod ng Muntinlupa.
Bilang pambungad, unang isasalang sa imbestigasyon ang Special Action Force (SAF) sa gitna ng mga ulat na pati ang mga nakatataas na opisyales ng dalawang bulilyasong special action force operatives, may porsyento sa sahod ng mga pulis na nagtatrabaho bilang bodyguard ng hindi pinangalanang Chinese national.
Sa ilalim ng batas na lumikha ng PNP, mandato ng pambansang pulisya tiyakin ang kaayusan sa lipunan at proteksyon sa mga sibilyan – hindi sa mga dayuhan o sa mga pribadong indibidwal.
Sa mga nais anilang magtrabaho bilang bodyguard ng mga dayuhan at pribadong indibidwal, mungkahi ng PNP magbitiw muna sa pambansang kapulisan na nagpapasahod sa kanila.
Inaresto kamakailan ang dalawang SAF members matapos magbugbugan sa isang exclusive subdivision sa Muntinlupa City.
Bunsod ng insidente, sinampahan ng kasong administratibo ang dalawang pulis habang sinibak naman sa pwesto ang mga opisyal ng SAF na nakabase sa Zamboanga City.
Una nang nagpahayag ng pagkabahala ang PNP sa klase ng serbisyong ibinibigay sa mga police escorts.
