WALA pa rin anumang opisyal na pakikipag-ugnayan ang Kamara kaugnay ng tatlong impeachment complaints na inihain ng iba’t ibang sektor laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, pinili ni Senate President Francis Escudero na umiwas magbigay ng detalye sa plano ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa napipintong pagsusumite ng Office of the House Secretary General sa tatlong “verified complaints” na naglalayong patalsikin ang pangalawang pangulo.
“Ayoko mag komentaryo sa haka-haka. Hintayin ko dumating sa amin kung darating sa amin. Magkokomentaryo ako pag nasa amin na. Pero habang wala pa, hindi para sa amin na komentaryuhan pa yan,” ayon kay Escudero.
Katunayan aniya, walang komunikasyon ang Senado at Kamara sa nasabing usapin, kasabay ng giit na hindi angkop pangunahan ng mataas na kapulungan ang anumang pagkilos na mangyayari sa mga susunod na araw.
Nakatakdang i-adjourn ng Kongreso ang sesyon sa Biyernes para bigyang daan ang panahon ng kampanyang kalakip ng 2025 midterm election.
Alinsunod sa umiiral na panuntunan ng Kongreso, kailangan ng 103 lagda ng mga kongresista para isulong ang reklamo sa senado na tatayong impeachment court. (ESTONG REYES)
