BAGO pa man ang muling pagbubukas ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan, lumipad na patungo sa Estados Unidos ang isa sa mga “persons of interest” sa likod ng kontrobersiya.
Pag-amin ni Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng Bureau of Immigrations (BI), umalis na sa Pilipinas si Bonoan noong Nobyembre 11 kasama ang kabiyak.
“We are confirming the departure of [former] Sec. Manny Bonoan. Papunta po siya ng Estados Unidos,” wika ni Sandoval sa isang panayam sa radyo.
“Siya ay subject ng Immigration Lookout Bulletin at, following the procedures of the lookout bulletin, kinoordinate po natin ito sa Department of Justice. At nakumpirma po natin na wala pong bagong labas na [hold departure order] or warrant of arrest laban sa kanya, kaya clinear din po siya ng DOJ for departure,” paliwanag ni Sandoval.
Paglilinaw ng Immigration spokesperson, kapwa tourist visa ang hawak ng mag-asawa. Round trip ticket din umano ang binili ng dating kalihim para sa kanilang biyahe.
Hindi rin aniya pinigilan ang pag-alis dahil ang lookout bulletin ay para lamang i-monitor ang biyahe ng mga indibidwal, lalo na sa mga high-profile cases.
