DAHIL kumbinsido ang mga mambabatas na bahagi ng House Quad Comm hearing na nagsisinungaling at umiiwas sa mga tanong nila si former Mayor Teddy Tumang, muling napatawan ng contempt at parusang pananatili sa kustodiya ng Kamara ang dating alkalde.
Sa 12th hearing ng four-committee panel hinggil sa illegal drugs at koneksyon sa illegal Philippine offshore gambling operators (POGOs) at iba pang isyu, tinalupan ni Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Paduano si Tumang na iniuugnay kina Aedy Ty Yang at Willie Ong.
Sina Aedy Ty Yang at Willie Ong ay kapwa kasosyo sa Empire 999 na nagmamay-ari ng bodega sa Barangay San Jose Malino kung saan nasabat ang 560 kilong shabu na may katumbas na halagang mahigit P3 billion noong Setyembre ng nakaraang taon.
Unang sinabi ni Tumang nakilala lamang niya si Ong nang personal na magtungo ang Tsino sa kanyang tanggapan sa munisipyo – kwentong agad na sinopla ni Paduano.
Ani Paduano, may mga dokumento at iba pang ebidensya sa kanyang paglipad patungo sa bansang China kasama ang mga Chinese nationals na pinaniniwalaang sangkot sa dambuhalang sindikato.
“I have evidence that you personally know Aedy Ty Yang. In fact, you travelled together to Fujian in China. I have photos,” tigas na sabi ng mambabatas, dahilan para umamin na rin si Tumang na bumiyahe siya at iba pang opisyal ng kanilang bayan sa China kasama ang Chinese national.
“So you are lying, you are evasive. I am sorry to say this, bulok na yung style mo. Sa committee ko (public accounts) pa lang at sa Committee on Dangerous Drugs, kabisado ka na namin,” banat ni Paduano kay Tumang.
Kaya naman nagmosyon ang partylist lawmaker na i-cite in contempt ang former mayor, na sinegundahan naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop.
Sa direktiba ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chair ng Quad Comm, si Tumang ay mananatili sa detention center ng Batasan Complex hanggang sa matapos ang House probe. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
