WALANG puknat na operasyon kontra guerilla operation ng mga illegal POGO hubs ang dahilan sa likod ng umano’y plano ng mga offshore gaming operators na lisanin na ang Pilipinas at ilipat ang negosyo sa bansang Cambodia.
Ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz na tumatayong executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), inamin ng isa sa 34 na Indonesian nationals na nasagip sa dormitoryong tinutuluyan ng mga dayuhang POGO workers sa Pasay City, ang plano ng tatlong Chinese nationals na inaresto.
Aniya, nakatakda na sanang ilipat sa Cambodia ang illegal POGO operation sa mga susunod na linggo.
Kabilang sa mga dinakip ng Chinese nationals ang isang Liu Meng na tinuturong tagapangasiwa ng nabuking na illegal POGO.
Batay sa salaysay ng mga sinagip na Indonesian nationals, pinilit lang umano silang magtrabaho sa scam hub sa Pasay. Hindi rin umano nila magawang tumakas sa dormitoryo dahil hawak ng mga among Chinese nationals ang kanilang pasaporte – hanggat hindi pa bayad ang pagkakautang na umabot sa P100,000 kada ulo.
“Papunta ng Cambodia, ito kasi nakikita nila na medyo maluwag pa ang galawan ng operations doon, that’s why they want to shift from Philippine operations to Cambodia,” wika ni Cruz sa isang pulong-balitaan kamakailan.
“We will be alerting, of course, the Cambodian authorities about this,” dugtong pa ni Cruz kasabay ng pangakong uubusin ang illegal POGO sa Pilipinas bago matapos ang taon.
“Ang tinitingnan namin, siguro within the year,” anang PAOCC chief.
