KUMBINSIDO ang mga prominenteng kongresista na isang taktikang naglalayong tabunan ang usapin hinggil sa napipintong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, ang planong pagsasampa ng kaso sa mga lider ng Kamara kaugnay ng 2025 national budget.
Ayon kina Deputy Majority Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, pamumulitika at walang batayan ang planong paghahain ng asunto laban kina House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at dating pinuno ng Appropriations panel na si Zaldy Co ng AKO Bicol partylist.
“Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu – ang impeachment trial ni VP Duterte,” wika ni Ortega.
“Huwag nilang gawin panakip-butas si Speaker Romualdez para takasan ang pananagutan,” dugtong ng La Union lawmaker.
Sinabi naman ni Khonghun na ang mga alegasyon laban sa House Speaker ay isa lamang pagtatangkang gibain ang malaking suporta ng Kamara sa impeachment laban kay Duterte.
“This is nothing more than a desperate move to discredit the impeachment process,” ani Khonghun.
“Speaker Romualdez has been instrumental in ensuring that the rule of law is followed, and now he is being targeted to weaken the case against VP Duterte,” saad pa niya.
Para kay Khonghun, kahina-hinala rin ang timing ng ibinabatong isyu laban kay Romualdez na lumutang makaraan dalhin sa Senado impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo ng bansa.
“Napaka-timing naman ng mga isyu na ito. Nang maipadala na sa Senado ang impeachment complaint, biglang may ganitong aksyon laban kay Speaker Romualdez. Malinaw na diversionary tactic ito,” wika ni Khonghun.
Ang impeachment complaint na inindorso ng 215 mambabatas laban kay Duterte ay isinampa batay sa umano’y katiwalian kaugnay ng confidential funds.
Bukod dito, may 25 pang kongresista na nagpadala ng kanilang beripikasyon para mapabilang sa hanay ng mga complainant sa impeachment laban sa bise presidente, kaya halos 80% ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara, na pagpapakita aniya ng solidong suporta sa reklamo.
Samantala, nagbabala naman si Ortega sa mga nagtatangkang harangin ang impeachment trial sa pamamagitan ng mga politically motivated complaint, na tiyak din babalik sa kanila.
“Kung inaakala nilang madidiskaril nila ang impeachment trial sa pamamagitan ng ganitong mga taktika, nagkakamali sila. Mas lalo lang nilang ipinapakita na takot silang humarap sa katotohanan,” giit ni Ortega.
Panawagan ni Ortega sa Senado, manatiling independiente at huwag magpadala sa anumang panlabas na impluwensya na maaaring makaapekto sa impeachment trial.
“The Senate must not be swayed by political distractions. The people demand transparency and accountability, and they will not be fooled by these diversionary tactics,” anang kongresista.
Sa nalalapit na impeachment trial, binigyang-diin ni Khonghun ang kahalagahan ng pagtutok sa mga paratang laban kay Duterte at ang pagsiguro ng isang makatarungan at malinaw na proseso.
“Ang tunay na laban dito ay hindi ang laban ng mga politiko kundi ang laban para sa katotohanan at hustisya. Hindi ito dapat maikubli ng anumang diversionary tactic,” wika naman Khonghun. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
