Ni ESTONG REYES
ISANG linggo matapos sibakin bilang Commanding Officer ng Western Command ng hukbong sandatahan, tuluyan nang nilaglag ni dating Wescom chief Vice Admiral Alberto Carlos ang pangalan ng Chinese Embassy official na nakausap sa telepono.
Sa pagdinig ng Senado sa di umano’y illegal wiretapping, inamin ni Carlos na siya ang tinawagan ng Chinese Embassy official. Katunayan pa aniya, tumagal ng halos tatlong minuto ang kanilang pag-uusap.
Nang tanungin ang pagkakakilanlan ng naturang embassy official, nilaglag niya ang pangalan ng isang Senior Colonel Li na nagpakilala di umanong military attaché ng embahada sa Maynila.
Gayunpaman, iginiit na walang naganap na kasunduan kaugnay ng usapin sa Ayungin Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
“I did not forge any agreement at the level and magnitude that would bind our two countries for the long term and redefine foreign policy. I am only the commander of the Western Command and not even of the entire West Philippine Sea,” pambungad na pahayag ni Carlos.
“As Wescom commander, I have done my very best to provide for the welfare of Wescom personnel. I did not enter into any secret deals that will compromise the interest of our country,” dagdag pa ng dating Wescom commander.
