Ni ESTONG REYES
HINDI sinasadyang “nadulas ang bibig” ni dating presidential spokesperson Harry Roque na sa kanya ang bahay kung saan natimbog ang dalawang Chinese nationals na pasok sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, hindi lang minsan narinig mismo sa dating tagapagsalita ng Palasyo ang mga katagang “aking bahay.”
“Nagtataka ako kung ano ang relasyon nila doon sa lalaki na nahanap sa aking bahay. At noong nahanap yung lalaki sa aking bahay, ito nga pong si Ana, ang tawag ko sa kanya Ana kasi American name niya, eh hinanap ko sabi ko sino ‘yan?” kuwento ni Roque sa komite.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Women noong nakalipas na Lunes, itinanggi ni Roque na sa kanya ang naturang residential unit sa Tuba, Benguet. Gayunpaman, aminado ang dating Palace official na kasosyo siya sa korporasyon na nagmamay-ari ng naturang istruktura.
Katunayan pa aniya, plano na niyang bilhin ang nasabing bahay sa kumpanyang binubuo di umano ng limang iba pang abogado.
Timbog sa pinagsanib na operasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Immigration ang dalawang Chinese nationals, kabilang ang isang Liming Sun na napag-alamang nasa red notice ng Interpol dahil sa large scale fraud sa China.
