HINDI limitado sa pagsupil sa ordinaryong kriminal ang mandato ng Philippine National Police (PNP), ayon kay acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez.
Sa ginanap na High Command Conference na dinaluhan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Camp Crame, nanindigan si Nartatez sa bentahe ng pambansang kapulisan na nakasandig sa tapat, makatarungan, at marangal na paglilingkod sa bayan.
Bukod kay Nartatez, kabilang sa mga dumalo sina DPWH Secretary Vince Dizon, AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at ang mga kinatawan ng ICI na sina Commissioner Rogelio Singson, retired Gen. Rodolfo Azurin, Gen. Ariel Caculitan, Atty. Raymond Rojas, Atty. Rufino Mantos III, at ICI Chairperson retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr.
Paglilinaw ng heneral, ang PNP ay hindi lang nakasentro sa pagpapatupad ng batas kundi pati sa pagtataguyod ng katotohanan at tiwala ng publiko.
“Bilang tagapangalaga ng batas at tagapagtanggol ng katotohanan, tungkulin ng PNP na tiyakin na ang bawat imbestigasyon ay isinasagawa nang may integridad at katarungan. Hindi kami magpapadala sa anumang impluwensiya o kompromiso sapagkat bawat hakbang na aming ginagawa ay nakatuon sa katapatan, pananagutan, at paghahatid ng hustisya para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Nartatez.
Dumalo sa pagpupulong ang mga pangunahing opisyal mula sa Office of the Ombudsman, DOJ, NBI, AFP, DPWH, at ang PNP sa layon palakasin ang kolektibong hakbang sa pagsisiyasat ng mga “ghost projects” sa imprastraktura ng bansa.
Sa ilalim ng malinaw at matatag na direksyon ni Nartatez, kanyang idiniin ang masigasig na papel ng PNP sa pinagsanib na imbestigasyon, partikular sa pagbibigay ng intelligence, forensic, at investigative support para mapalakas ang laban ng pamahalaan sa katiwalian.
Para kay Nartatez, hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas PNP. Katunayan aniya, katuwang din ang pulisya sa pagtataguyod ng isang bansang nakabatay sa pananagutan at katotohanan.
Binigyang diin niya na ang mga pulis ay patuloy na nagsusumikap upang matiyak na walang paglabag ang makalusot sa hustisya.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kritikal ang masinop na koordinasyon ng mga ahensya, kasabay ng anunsyo sa deployment ng mga inspection team sa iba’t ibang rehiyon upang tiyakin ang pagiging lehitimo ng mga proyekto. Inihayag din niya na ilang kaso, kabilang ang mga non-bailable offense na kinasasangkutan ng mahigit apatnapung indibidwal, ang nakatakdang isumite sa Sandiganbayan.
Pinagtibay din ni PNP Spokesperson Brig, Gen. Randulf Tuaño ang buong suporta ng PNP sa inisyatiba, kasabay ng giit sa mahalagang papel ng organisasyon sa pagtitipon ng impormasyon at pagpapatibay ng mga kaso.
“Lubos ang paninindigan ng Philippine National Police na palakasin ang mga investigative at intelligence efforts ng ICI at mga katuwang na ahensya. Ang ating mga pulis ay nagbibigay ng mahahalagang impormasyon at tumutulong sa pagbuo ng matitibay na kaso, upang matiyak na bawat lead ay masusuri at bawat irregularidad ay maaaksyunan.”
Para kay Nartatez, ang integridad ay hindi lamang pananalita kundi isang pamantayan ng tunay na paglilingkod. Ang kanyang pamumuno ay sumasalamin sa diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas, isang serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman ng mamamayan.
Kasama ang ICI, Office of the Ombudsman, DOJ, NBI, AFP, at DPWH, pinapagtibay ng PNP ang laban ng pamahalaan kontra katiwalian.
………….
