PARA sa National Bureau of Investigation (NBI), dapat nang sampahan ng kaso sina former Senate President Francis Escudero at dating House Speaker Martin Romualdez.
Gayunpaman, iba ang posisyon ni Justice Secretary Crispin Remulla. Aniya hindi pa napapanahon ang pormal na paghahain ng kaso sa dalawang dating lider ng Kongreso.
Rekomendasyon ng NBI — kasong indirect bribery at malversation of public funds kina Escudero at Romualdez. Kasama rin sa rekomendasyon ng NBI ang paghahain ng kahalintulad na asunto laban kay Senador Nancy Binay.
Una nang idinawit dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sina Escudero, Romualdez at Binay sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Remulla, nasa proseso pa ang kagawaran sa case build-up pero sa sandaling isampa ang kaso ay kikilos na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para i-freeze ang assets ng mga akusado.
“Wala tayong sisinuhin dito lahat ng nakasama,” dugtong ni Remulla.
“All of that, kasi ang malversation most of it. Syempre mahalaga rito yung crimes na nasa pera na talagang nawala sa kaban ng bayan, yun talaga ang kaso na ilalagay. Pwede rin naman ang plunder, kaya lang syempre iba ang figuring na natin plunder at iba rin ang pag-prove sa korte,” dagdag niya.
Ayon kay Remulla, hindi agad-agad na lalabas ang mandamiento de arresto laban sa mga akusado. Paliwanag ng DOJ chief, kailangan dumaan sa tamang proseso ang bawat hakbang ng pamahalaan laban sa mga opisyales na sangkot sa katiwalian.
“Matagal pa yan. Kasi preliminary investigation pa ito. This is still the case build-up. Iba pa yung status ng preliminary investigation at doon pa sa determination ng resolution ng preliminary investigation…doon lang natin ipa-file sa korte. At sa korte ang mag-i-issue warrant of arrest,” pahabol ni Remulla.
