HINDI dapat mabaon sa limot at lalong hindi pwedeng palampasin ng Senado ang pagkakataon panagutin ang mga responsable sa likod ng palpak na tulay sa lalawigan ng Isabela.
Panawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, magsagawa ng policy review sa ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) hinggil sa load limit ng mga trak, kasabay ng giit para sa komprehensibong pagsusuri sa umiiral na batas at patakaran sa paggamit ng kalsada, gayundin sa mga gumagamit ng mga imprastraktura.
Paglilinaw ni Escudero, hiwalay dapat ang policy review sa senate investigation sa pagbagsak ng tulay na nagdurugtong sa mga bayan ng Cabagan at Sta. Maria sa Isabela.
“We must find out how the truck that reportedly weighed 102 tons was able to get on the bridge that has a 45-ton maximum capacity. I am certain that this is not an isolated incident, and a lot of overloaded trucks are able to go about their business without being flagged,” ani Escudero.
Bumagsak ang isang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge noong Pebrero 27, na ikinasugat ng anim na katao. Ayon sa DPWH, 44-tonelada lang ang kapasidad ng tulay.
Ipinapalagay ng Palasyo na problema sa designyo ang sanhi ng pagbagsak ng tulay na mahigpit na pinabulaanan ng engineer sa likod ng naturang proyekto.
“Pinagbabawal dapat ng gobyerno, ng LTO (Land Transportation Office) na lagyan ng anumang reinforcement ang bed ng mga truck para maiwasan automatically yung overloading ng mga truck at kung mangyayari man ‘yun, dapat managot ‘yung mga may-ari ng truck,” wika pa ng lider ng senado.
Dapat aniyang pagbasehan ang kapasidad ng lansangan at tulay sa kapal ng kongreto na ginamit sa pagtatayo upang matiyak na tinutupad ng trak ang limitasyon sa bigat.
Inihayag din ni Escudero na susuriin ng Senado ang ginastos na pondo sa nasirang imprastraktura sa deliberasyon ng 2026 national budget.
“Once we start deliberations on the proposed 2026 spending plan of the DPWH and the DOTr (Department of Transportation) later this year, we will require an accounting of the expenses incurred as a result of infrastructure damaged due to overloading and the effectiveness of the policies and programs to prevent overloading,” ani Escudero.
“We must put an end to these avoidable expenses.” (ESTONG REYES)
