WALANG magaganap na reporma kung ganun pa rin ang sistema sa pamamahala.
Ito ang buod ng mensahe ng mga miyembro ng National Unity Party (NUP), sa pangunguna ni Antipolo City Rep. Ronnie Puno, kasabay ng paghahain ng panukalang batas na nagtutulak magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) para amyendahan ang 1987 Constitution.
“The Constitutional Convention offers the most prudent, participatory, and legitimate mechanism for reform,” wika ni Puno.
“It invites the nation to confront enduring constitutional ambiguities through reasoned debate, anchored in the rule of law and the people’s voice,” dugtong ng kongresistang may akda ng House Bill 5870.
Para kay Puno, malinaw na may kalabuan at kakulangan sa 1987 Constitution.
“This measure seeks to fulfill—not discard—the 1987 Constitution: to correct its errors, complete its intent, and reinforce its authority with clarity and coherence,” saad ng pangunahing may-akda sa explanatory note ng panukala.
Sa ilalim ng HB 5870, 150 delegado ang ihahalal sa Mayo 11, 2026 mula sa 18 administrative region kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang bawat rehiyon ay maghahalal ng tig-tatlong delegado o higit pa depende sa laki ng populasyon ng bawat rehiyon.
Tampok din sa naturang panukala ang pagbabawal sa appointive delegate para tiyakin walang impluwensya ng pulitika ang ConCon.
Katuwang ni Puno sa naturang panukala sina Reps. Jeffrey Ferrer, Antolin Oreta III, Augustina Pancho, Alfredo Marañon III, Danilo Domingo, Joaquin Nava, Sun Shimura, Dimszar Sali, Rosalie Salvame, Alfelito Bascug, Adolph Plaza, Anna Victoria Tuazon, Jennifer Lagbas, Adrian Advincula, Maria Victoria Co-Pilar, Niko Daza, Antonio Ferrer, Romeo Acop, Jon Geesnell Yap II, Crispin Diego Remulla, at Rachel Marguerite Del Mar.
May 43 miyembro sa Kamara ang NUP na ikalawang pinakamalaking political party sa sa mababang kapulungan.
