ANIMO’Y listahan naman ng mga bilihin sa grocery at palengke ang nabistong bahagi ng talaan ng mga benepisaryong tumanggap ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni House Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega (La Union) ang mga dokumentong isinumite ng Office of the Vice President sa Commission on Audit (COA).
Ayon sa ranking House official, nangunguna sa listahan ang isang “Beverly Claire Pampano,” na tila tumutukoy sa isang sikat na isdang binebenta sa palengke at supermarket.
Sumunod naman ay si “Mico Harina,” na ang apelyido ay isang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay at hinahalo rin sa mga lutuing Pilipino.
Kasama rin ang mga pangalang “Patty Ting” at “Ralph Josh Bacon,” na para namang mga palaman sa tinapay, at si “Sala Casim” na ang bigkas ay katunog ng “kasim,” na bahagi ng karne ng baboy na ginagamit sa adobo at menudo,
“Mukhang listahan po ng mga bilihin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” ani Ortega, patungkol sa mga pinaghihinalaang pekeng pangalang nau-ugnay sa confidential funds ng OVP — mga pangalang maaaring ilantad sa nalalapit na impeachment trial ni Duterte.
Sinabi ni Ortega na ang mga pangalang Pampano, Harina, Patty Ting, Bacon, at Casim ay isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).
Tulad ng marami pang iba na na-flag ng House of Representatives, sinabi ni Ortega na ang mga pangalang Pampano, Harina, Patty Ting, Bacon, at Casim ay walang katugmang birth, marriage, o death records mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Kung hindi sila totoong tao, nasaan napunta ang pondo?” tanong ni Ortega.
Sinabi rin ni Ortega na ang kakaibang katangian ng mga pangalan ay maaaring isang paunang palatandaan lamang ng mas malaking anomalya.
Aniya, ang kawalan ng opisyal na rekord mula sa gobyerno ay nagpapahiwatig na maaaring sinasadya ang pagbuo ng “grocery list” para pagtakpan ang totoong pinuntahan ng confidential funds.
Ginawa ni Ortega ang pagbubunyag kasunod ng pagka-diskubre sa mga pangalan tulad ng chichirya, cellphone, fruit, Dodong Gang, at Team Amoy Asim—na tinawag ng mambabatas na “Budol Gang.”
Tahasang sinabi ng kongresista na lalo pang lumakas ang hinalang malaking halaga ng pondo ng gobyerno ang posibleng naipasa sa mga diumano’y pekeng indibidwal.
Unang lumabas ang mga katulad na kontrobersiya—kabilang ang mga pangalang tumutukoy sa snack brands, tech gadgets, at random na alyas—sa mga naitalang dokumento kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd).
“Hindi ito ang unang beses na may nakita tayong katawa-tawa o kakaibang pangalan. Ang mas nakakalungkot, patuloy itong nadadagdagan. Typo ba ito? Mukhang may effort na talagang mag-imbento ng listahan para pagtakpan kung saan dinala ang pondo,” pagtatapos ni Ortega. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
