NAGPAHAYAG si newly-proclaimed Ako Bicol Partylist Rep. Jan Almario Chan ng pasasalamat at kahandaan na agad gampanan ang bagong tungkulin at isulong sa Kamara ang legislative priorities na nakatuon sa pagpapalakas ng renewable energy sector at disaster response gayundin ang epektibong mental health program.
Kabilang rin ani Chan sa mga isusulong ang pagtataguyod ng legasiya ng Ako Bicol partylist organization.
“Unang una, very excited tayo to serve in Congress, lalo na medyo unexpected naman ‘yung nangyari na ‘to. Pero priority natin sa ngayon is to continue what Ako Bicol has been doing regarding public service and of course ‘yung mga tulong natin,” pahayag pa ni Chan na isang abogado.
Bukod dito, sinabi ni Chan na nais niyang magamit ang kanyang kaalaman sa Renewable Energy Law, Environmental Law, at decade-long experience sa policymaking at legislative assistance sa kanyang bagong papel sa Kamara.
Kaya naman sa sektor ng renewable energy ay nais ng neophyte solon maghain ng isang comprehensive Renewable Energy Bill, kung saan sinabi niyang “yun po talaga yung advocacy ko ever since, even when I was in law school.”
Sa kanyang mental health legislation, nais niya na palakasin ang mental health support systems, partikular sa hanay ng mga magulang, mga batang may special needs, gaya ng na-diagnose na may autism o psychosocial disorders.
Bilang isang proud Bicolano, sinabi naman ni Chan na personal niyang naranasan ang maging biktima ng kalamidad kaya magiging prayoridad din niya ang pagpapalakas sa disaster resilience at preparedness ng pamahalaan at maging ng mga sibilyan.
Samantala, umaasa si Chan sa susunod na dalawang taon at kalahati ng kanyang panunungkulan ay makapaghahatid siya ng mga makabuluhang programa at panukalang batas na lubos na mapakikinabang ang mamamayang Pilipino.
“Hopefully, ma-prove ko po that in the next 2.5 years, maganda po ‘yung maibibigay natin sa ating mga kababayan,” pagtatapos niya. (ROMER R. BUTUYAN)
