INAPRUBAHAN ng House of Representatives ang isang resolusyon para nagkakaisa nitong pagpapahayag ng pag-aalala, pakikidalamhati at pagsuporta sa libo-libong Pilipinong naapektuhan sa magkasunod na pananalasa ng bagyong Tino at Uwan.
Sa paghahain ng House Resolution 436 na akda nina House Speaker Faustino Dy III, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at House Minority Leader Marcelino Libanan, ipinabatid din ng mga kongresista ang pagtutok sa relief at recovery efforts sa mga lugar na niragasa ng dalawang bagyo.
“The resolution reaffirmed the House’s “moral and social responsibility to extend compassion and solidarity to Filipinos affected by calamities” and called on national agencies, local governments, civil society groups, and volunteers to intensify coordinated relief and recovery efforts,” saad sa isang bahagi ng panukala.
Pinuri naman ng mga mambabatas ang pagtugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panawagan pagdedeklara ng state of national calamity upang mapadali na rin ang pagpapatupad ng rescue, relief, at rehabilitation operations, gayundin ang masigurong mabilis na pagpapalabas at magamit agad ang calamity funds sa mga apektadong lugar.
“The House underscored that in times of great adversity, the Filipino spirit shines brightest, reflecting the nation’s unity, resilience, and compassion in rebuilding from tragedy.”
Panghuli, tiniyak ng mga may akda na ang bawat miyembro ng Kamara ay bibigyan ng ibayong pansin ang hakbangin para sa paghahatid ng kinakailangang tulong at mabilis na pagbangon ng mga biktima.
Nobyembre 4 ng unang mag-landfall ang bagyong Tino (international name: Kalmaegi) Silago, Southern Leyte at pagkatapos ay tinahak ang ilan pang lugar sa Visayas bago lumabas sa direksyon ng Palawan kinabukasan.
Sa pinakahuling datos, ang Cebu province ang nakapagtala ng pinakamataas na fatalities sa bilang na 150. Ang iba pang lalawigan ng nakapagtala ng nasawing biktima ay ang Negros Occidental (42), Negros Oriental (21), Agusan del Sur (6), Dinagat Islands (3), Antique (1), Capiz (3), Iloilo (1), Bohol (1), Leyte (2), Guimaras (1), at Southern Leyte (2).
Nito namang nakaraang Nobyembre 9 nang mag-landfall si Super Typhoon Uwan (international name: Fung-Wong) sa Dinalungan, Aurora taglay ang lakas ng hangin na hanggang 185 kilometers per hour at bugso na aabot sa 230 kph.
Matapos nito ay binagtas ni ST Uwan ang Central at Northern Luzon bago lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Martes, Nobyembre 11 kung saan sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ito ay nagdulot ito sa pagsasara ng 125 major roads at 29 tulay habang aabot sa 1,085 houses ang nasira at ang 168 na mga lokalidad sa bansa ay naputol ang suplay ng kuryente at 17 lugar naman ang apektado naman ang water supply. (ROMER R. BUTUYAN)
