TULAD ng inaasahan, hindi sisipot sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee hinggil sa flood control scandal si former House Speaker Martin Romualdez.
“Nagbago ata ang isip, nahiya din sa sarili,” ayon kay Senador Imee Marcos sa isang kalatas sa media.
“Kasi ang dating narinig ko magiging state witness, siya ang magiging star witness bibigyan ng witness protection, pwede ba naman yun? Niloloko na tayo ng lubos-lubusan,” wika ng senador na pinsan ni Romualdez.
Kabilang si Romualdez sa 18 kongresistang inanyayahan ni blue ribbon committee chairman Senador Panfilo Lacson.
Samantala, nagpahayag ng pangamba si Senador Imee sa posibilidad na bawiin ng mga testigo — kabilang si retired Marine Sgt. Orly Guteza – ang testimonya laban kay Romualdez bunsod ng aniya’y pananakot.
Hindi naman tinukoy ng senadora kung sino ang nasa likod ng umano’y pananakot kay Guteza.
Una nang inamin ni Guteza ang pagdedeliver na male-maletang pera sa tahanan nina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
“Kasi pinakamabigat ang kanyang testimonya [ niGuteza]. Dahil dun may personal knowledge at matapang na ibinunyag ang lahat talaga naman tinakot ng todo todo ang mga pobreng testigo. hindi tama itong gawain nila,” ani Marcos.
“Eh siyempre klarong klaro talaga at alam naman namin na may iba pang mga testigo na pinipigilan na magsalita at ayaw kumbidahin.” (ESTONG REYES)
