SA gitna ng kabi-kabilang batikos sa desisyon ng bicameral conference committee na tablahin ang hirit na P74-bilyong subsidiya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), umapela ang dalawang kongresista na tigilan ang pagpapakalat ng anila’y fake news.
Ayon kina Deputy Majority Leader Paolo Ortega V (La Union) at Assistant Majority Leader Jude Acidre (Tingog), walang dahilan para mangamba ang mga mamamayan lalo pa aniya’y higit pa sa kailangan para isulong ang komprehensibong programang pangkalusugan ang naisubing pondo ng PhilHealth.
Hindi rin anila angkop na gawin panakot ng mga kritiko ang zero subsidy ng Kongreso sa naturang ahensya.
Ayon anila sa hindi pinangalanang kritiko, “hindi dapat magkasakit ng mga Pilipino sa susunod na taon dahil hindi sila matutulungan ng PhilHealth dahil walang binigay na subsidiya ang Kongreso sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill na inaprubahan ng bicameral conference committee.
“Sinisigurado po natin sa taong bayan po na Philhealth has more than enough funds to cover its members for the entire year,” diin ni Ortega.
Paalala ng ranking House official, ang mga taong nangangailangan ng tulong medikal ay maaari rin namang lumapit sa Department of Health (DOH), na mas malaki pa umano ang naibibigay ng tulong kaysa sa Philhealth.
“Yung medical assistance program natin na under the DOH actually, mas malaki pa po yung makukuha nila na assistance kumpara po duon sa naibabawas duon sa Philhealth. So siguro misinformation is causing a little stress to the public, but then again, we have more than enough and we also have the medical assistance program po from the DOH to help our mas nangangailangan pa na ating mga kababayan,” ayon kay Ortega.
“Sasabihin ko lang po sa mga nagpapakalat ng maling kwento. Maawa naman kayo sa taong bayan. Pamasko niyo na lang sa amin. Tigilan niyo na ang pagsisinungaling,” sabi naman ni Acidre.
“Itong mga nagpapakalat ng fake news, baka di pa sila member ng PhilHealth kaya bitter sila. Kaya itigil nyo na yang mga kalokohan na pinagagagawa niyo,” dugtong niya.
“Sa mga kababayan po natin, klaro ho yung mga numero, hindi po matitigil sa isang taon (ang subsidy). May sapat pong reserbang pondo ang Philhealth para matugunan hindi lang para sa isang taon, dalawang taon pa po,” pahabol ni Acidre. (Romeo Allan Butuyan II)
