Ni EDWIN MORENO
BUKOD sa mga artificial islands na ginawang base militar, kabilang rin sa target ng pamahalaan ang mga underwater pipes na inilatag di umano ng China sa Bajo de Masinloc na bahagi ng West Philippine Sea.
Sa isang pulong balitaan sa Fort Bonifacio sa Taguig City, isiniwalat ni ni Commodore Roy Vincent Trinidad na tumatayong Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea, ang napipintong imbestigasyon sa panibagong bulilyaso.
“There were reports of having pipes spotted underwater, but we are still confirming this,” ani Trinidad.
Una nang nanawagan ang National Security Council (NSC) na magsagawa ng international inspection ng isang third party para alamin ang kung totoo ang ginagawang paglalatag ng underwater pipes ng China sa Bajo de Masinloc.
Tiniyak naman ni Trinidad na maraming paraan para makumpirma ng Philippine Navy ang nasabing ulat .
“We can send out a ship, an aircraft; use satellite tracking. We could leverage our partners and allies. Maraming paraan.”
Samantala, todo-tanggi ang China sa mga lumabas na ulat sa di umano’y napipintong reclamation para gumawa ng panibagong artificial island sa karagatang pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Samantala, ibinuking din ni Trinidad ang biglang pagdami ng mga Chinese vessels sa Bajo de Masinloc.
Sa datos na inilabas ng Philippine Navy, nasa 55 barko ng China ang namataan sa Bajo de Masinloc mula Mayo 14 hanggang 20 – doble ng dami kumpara sa 28 Chinese vessels sa nakita mula Mayo 7 hanggang 13.
