SA gitna ng pagbayo ng bagyong Uwan, nanawagan si House Speaker Faustino Dy III sa mga mamamayan — unahin ang kaligtasan higit sa anupaman.
“Dapat maging handa, magkaisa at huwag mag kampante,” wika ni Dy batay sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa bagsik ng bagyo.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa mga lugar na inaasahang salantahin ng bagyo ang hilaga at gitnang Luzon. Habang sinusulat ang balita, itinaas na ng state weather bureau sa signal number 5 (pinakamataas na kategorya ng bagyo) ang babala sa mga nabanggit na lugar.
Paalala ng House Speaker, “life-threatening” ang bagyong Uwan na may kakayahan din aniyang magdulot ng matinding pinsala, pagkawala ng kuryente, at pagkaantala ng mga pangunahing serbisyo.
“Dahil dito, nananawagan tayo sa lahat na maghanda… dapat natin isaalang-alang ang worst case scenario para makagawa ng mga hakbang na maka pagliligtas ng buhay. Mas mainam na sobra ang pag-iingat kaysa magsisi kapag huli na.”
“Mahalaga ang kooperasyon para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Hinihikayat natin ang lahat, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at baybaying dagat, na makinig at sumunod sa mga abiso ng mga otoridad. Kung ipinag-utos ang paglikas, agad itong sundin para sa inyong kaligtasan. Ihanda ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng flashlight, tubig, pagkain, at gamot. Patuloy na subaybayan ang mga balita at manatiling alerto sa mga anunsyo at babala mula sa mga otoridad,” dugtong ng lider ng Kamara.
“Nananawagan din tayo ng mahigpit na pagtutulungan sa pagitan ng mga pambansang ahensya, mga lokal na pamahalaan at mga barangay sa buong Northern at Central Luzon—kabilang ang ating lalawigan ng Isabela—upang matiyak ang maagap, maayos, at epektibong pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng bagyo.”
Inatasan na rin umano niya ang mga kapwa kongresista na makipag-ugnayan sa kani-kanilang nasasakupan at mga lokal na opisyal upang matiyak ang maayos na koordinasyon at agarang pagtugon.
“Siguraduhin natin may sapat na impormasyon, suporta, at tulong ang mga nasa pinaka naapektuhan lugar. Kailangang maramdaman ng ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa sa panahong ito ng panganib,” pahayag pa niya.
“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay kaisa ng buong sambayanan sa panalangin at paghahanda. Sama-sama nating harapin ang paparating na bagyo nang may tapang, malasakit, at matatag na pananampalataya. Sapagkat walang bagyong kayang pabagsakin ang isang bansang handa, nagkakaisa, at may malasakit sa kapwa.” (ROMER R. BUTUYAN)
