Ni EDWIN MORENO
MAILAP pa rin ang katarungan sa pamilya ng pinaslang na broadcast journalist matapos mabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) na dakpin si dating Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Laguna at lungsod ng Caloocan.
Gayunpaman, narekober ng mga ahente ng NBI sa manhunt operation ang mga bala at baril na pinaniniwalaang pag-aari ng puganteng heneral.
Bitbit ang mandamiento de arresto, unang sinalakay ang bahay ni Bantag sa Caloocan City kung saan tumambad ang sankaterbang armas.
Sumunod na pinasok naman ang tahanan ng tinuturong utak sa pagpatay kay Lapid sa Sta. Rosa, Laguna batay na rin sa timbre ng impormante.
Oktubre 23, 2024 nang paulanan ng bala sa Las Piñas City ang sasakyan ni Lapid na patungo sana sa studio para sa kanyang programa sa radyo.
Sa isinagawang interogasyon ng NBI sa mga residente ng mga naturang lugar, lumalabas na positibo ang impormasyon hinggil sa panaka-nakang pagbisita ni Bantag sa kanyang bahay.
Ang pagsalakay sa mga bahay ni Bantag ay ikinasa matapos ang pagpanaw ng kapwa akusadong si dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta na namatay bunsod ng cerebrovascular disease intracranial hemorrhage o pagdurugo sa kanyang ulo – taliwas sa atake sa puso na giit ng kaanak.
Tumataginting na P2 milyon ang inilaang pabuya sa ikadarakip ni Bantag.
