KALABOSO sa pulisya ang tatlong Chinese nationals na di umano’y dumukot sa tatlong babae sa Multinational Village sa Barangay Moonwalk, lungsod ng Paranaque.
Kinilala ng Don Bosco Police Sub-Station ang mga suspek sa pangalang Liu, 39-anyos; alyas Weichun, 35-taong gulang at Donbo edad 34. Kasama rin sa mga dinakip ang apat na Pinoy na di umano’y kasabwat ng mga Tsino.
Sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, positibong tinukoy ng testigo ang mga suspek na di umano’y pumasok sa bahay ng mga biktimang pawang negosyante kahapon ng madaling araw.
Gamit ang CCTV footage kung saan nakita ang pagbitbit sa tatlong biktimang isinakay sa isang Toyota Alphard, sinimulan ng mga operatiba ang pag-iimbestiga hanggang sa matunton ang kinaroroonan ng mga Chinese nationals at iba pang kasama sa krimen.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya na nahaharap sa kasong kidnapping at robbery.
