Ni LILY REYES
NAKAKALASONG kemikal ang sinisilip na dahilan sa pagpanaw ng tatlong construction workers na nahulog sa isang bagong-gawang manhole sa Barangay Loyola Heights sa Quezon City.
Wala ng buhay nang makarating sa Quirino Memorial Medical Center ang mga biktimang sina Arnel dela Peña, 55-anyos, plumber, ng UP Stud Farm, Brgy. UP Campus, Quezon City; Cedie Abarca, 26, at Gabriel Uduana, 23, pawang mga trabahador ng Andem Construction Inc. at naninirahan sa Kaingin-2 Bungad, Brgy. Pansol, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente bandang alas 10:30 ng gabi sa bagong gawang manhole sa ilalim ng Katipunan Flyover sa sa Barangay Loyola Heights.
Nagsasagawa di umano ng “infiltration and exfiltration test” sa naturang manhole ang mga biktima kasama ang kanilang supervisor-engineer na si Rodolfo Pelencio ng Andem Construction nang maganap ang trahedya.
Sa kasagsagan ng infiltration testing sa loob na bahagi ng manhole, nakaramdam ng pagkahilo si Dela Peña hanggang sa nahulog sa mas malalim na bahagi ng pinasok sa istruktura.
Dito na sinubukan sumaklolo sina Abarca at Uduana na hindi na rin nagawa pang makalabas ng manhole matapos mahilo at mawalan ng malay bunsod ng nakakasulasok sa amoy.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.
