HINDI bababa sa 21 sasakyan ang inararo ng isang trak habang binabagtas ang Katipunan-Aurora flyover sa Quezon City. Ang resulta – apat ang kumpirmadong binawian ng buhay, habang nasa 26 na iba pa ang sugatan.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), patungo sa Carlos P. Garcia ang trak na minamaneho ng isang Richard Manupag nang salpukin ang mga nakahanay na sasakyan sa pababang bahagi ng flyover dakong alas 7:00 ng gabi.
Dead on the spot ang apat na biktima, ayon sa pulisya.
Ayon sa mga saksi, mabilis na tumakas ang drayber matapos ang insidente. Gayunpaman, agad din naaresto si Manupag sa follow-up operation ng mga tauhan ng QCPD.
Sa tala ng pulisya, wasak ang 16 motorsiklo habang nagtamo ng malaking pinsala ang limang iba pang pribadong sasakyan.
Nahaharap sa patong-patong na kaso – kabilang ang multiple damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide ang suspek. (Lily Reyes)
