PANSAMANTALANG isasara sa lahat ng uri ng sasakyan ang 40 kalsada sa Metro Manila upang bigyang-daan ang sabayang pagkukumpuni ng sa mga pampublikong pasilidad.
Sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), magsisimula ang paggawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga kumpanya ng tubig at komunikasyon ganap na alas 11:00 ng gabi ng Marso 27 at magtatapos sa hudyat ng alas 5:00 ng umaga ng Abril 1.
Kabilang sa mga apektado ng naturang pagawaing bayan ang Quezon City, Pasay Parañaque, at Makati City.
Sa Quezon City, pasok sa talaan ng isasarang daluyan ng trapiko ang Batasan – Commonwealth Tunnel, Filinvest 1 Road malapit sa Sandiganbayan; West Avenue, Ligaya St. hanggang Del Monte Avenue; Luzon Avenue (southbound), Congressional Avenue Ext. hanggang sa paanan ng Luzon Flyover; Commonwealth Avenue, Landbank hanggang Elliptical Road; Mindanao Avenue, Tandang Sora Avenue hanggang Longines St.; Mindanao Avenue Tunnel hanggang Sauyo Road; Payatas Road, Batasan Road hanggang Bayanihan St.; Payatas Road sa pagitan ng Singko St. at Leyte St.
Hindi rin pwedeng daanan ang Payatas Road bago sumapit ng Maynilad Pumping Station hanggang sa Petron Gas Station; IBP – San Mateo Road; EDSA (southbound) South Triangle 4th Diliman sa gawing harapan ng VS Hotel; at bahaging malapit sa GMA Network; EDSA (southbound) sa Brgy. San Martin De Porres 4th Cubao malapit sa SOGO Hotel; at bandang Farmers footbridge sa Cubao.
Sa lungsod ng Pasay, pinayuhan ang mga motorista iwasan ang Roxas Boulevard (northbound) sa pagitan ng Lourdes St. at Vicente Sotto St.; Roxas Boulevard (northbound) sa pagitan ng Remedios St. Pasaje Del Carmen St.; at Roxas Boulevard EDSA Flyover (southbound).
Samantala, apektado naman sa Parañaque City ang South Super Highway East Service Road.
Sa lungsod ng Makati, apektado ang EDSA (northbound) Guadalupe, P. Burgos St., at JP Rizal Extension.
