Ni LILY REYES
HIMAS-REHAS ang isang 43-anyos na babaeng pinaniniwalaang miyembro ng Salisi Gang makaraang i-reklamo ng isang Chinese expat sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Ma. Katlea Toballas Velasquez ng Barangay Magsaysay ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) – Kamuning Police Station, abala di umano sa pakikipag-usap ang biktimang Chinese national sa pangalang Yi Hou, 28-taong gulang, at pansamantalang nanunuluyan sa The Grand Hamptons Tower 2, sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.
Batay sa imbestigasyon ni PMSg Remie Villareal ng Women and Children’s Protection Desk, dakong 12:50 ng madaling araw (April 3), nang maganap ang insidente sa harapan ng 7 Eleven convenience store sa panulukan ng Scout Tuazon at Scout Castor sa Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumalabas na nakikipag kwentuhan ang biktima nang sumalisi ang suspek sa nakaparadang sasakyan kung saan naroon ang bag na naglalaman ng P 27, 000 cash, cell phone at mga importanteng dokumento.
Nang madiskubre ang nawawalang bag, agad na humingi ng saklolo ang biktima – bagay na agad tinutugunan nina Cpl. Jim Beam Fernandez, Pat. Jorly Molina, Pat. Marcelo Manlongat, at Pat. Jesus Leron.
Sa tulong ng CCTV, agad na nakilala ang suspek na natunton naman gamit ang Apple AirPods tracker apps ng cellphone ng biktima.
