Ni LIILY REYES
SA sikip at tindi ng init na dala ng panahon, hindi bababa 600 persons deprived of liberty (PDL) ang nagdurusa matapos tubuan ng pigsa sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Bukod sa pigsa, iniinda rin ng mga preso ang iba’t ibang klase ng sakit sa balat tulad ng galis.
Bilang tugon sa mabilis na pagdami ng kaso ng mga presong tinamaan ng pigsa at galis, ikinasa ng BJMP ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mga summer disease sa mga pasilidad na pinangangasiwaan.
Ayon kay BJMP chief, Jail Director Ruel Rivera, kabilang sa mga tugon ang paglalagay ng karagdagang ventilation system sa loob ng mga jail facilities.
Katunayan aniya, inatasan na rin ang mga regional director ng kawanihan na tiyakin makakapaligo ang mga preso ng dalawang beses isang araw, bagay na posible lang kung makipag-ugnayan ang pamunuan ng mga BJMP facilities sa mga water utility companies na nagsusuplay ng tubig sa mga piitan.
Samantala, naniniwala naman si BJMP spokesperson Chief Insp. Jayrex Bustinera na hindi na masyadong problema sa mga kulungan ang mga kaso ng pigsa lalo pa’t marami na di umano sa mga piitan ang may sapat na espasyo para sa mga tinagurian niyang ‘bakasyonista.’
Base sa datos ng BJMP, pumalo sa 4,545 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pigsa mula Marso hanggang Mayo noong nakaraang taon.
