Ni JIMMYLYN VELASCO
SA halip na maging huwaran, nagpakitang gilas ang dalawang pasaway na opisyales na hinarang ng mga nakatalagang traffic enforcers matapos baybayin ang EDSA Carousel Busway para umiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Batay sa ulat ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), Abril 5 ng kasalukuyang taon nang harangin ng kanilang mga tauhan ang convoy ng hindi pinangalanang Philippine National Police (PNP) official na lulan ng puting Toyota SUV na may wangwang.
Bukod sa puting van, huli din ang 10 sasakyang nagsilbing convoy ng PNP official.
Hindi rin nakalusot SAICT ang traffic enforcers ang isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na lulan ng sasakyang pag-aari ng gobyerno. Maliban sa pagiging taong gobyerno, walang ibinigay na detalye sa pagkakakilanlan ng naturang DILG official.
Pasok din sa mga tiniketan ang drayber ng isang red-plate government car at isang ambulansyang walang sakay na pasyente nang baybayin ang EDSA Busway.
Paalala ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), para lang sa mga bus na may special permit ang EDSA Busway.
Gayunpaman, pinapayagan naman anilang gamitin ang EDSA Busway ng mga on-duty ambulance, fire truck at PNP vehicles.
Pwede rin dumaan sa busway ang ilan pang matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, House Speaker, at Supreme Court Justice.
