SAMA-SAMA sa kulungan ang 67-anyos na engineer, misis at dalawang tituladong anak matapos sampahan ng pambabastos ng mag-ina sa Quezon City.
Kinilala ang 67-anyos na suspek sa pangalang Glenn na di umano’y sadyang “kiniskis” ang kanyang “batuta” sa Grade 4 na batang babae sa loob ng isang mall sa Barangay Sto. Cristo ng nasabing lungsod.
Swak din sa selda ang 68-anyos na misis ng engineer at dalawang nilang anak na kapwa titulado — isang alyas Kervin na guro at isang altas John na nagpakilalang arkitekto.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Project 6, Police Station (PS-15), bandang alas 9:00 ng gabi noong Sabado, (December 14), nang maganap ang nasabing insidente sa isang sikat na shopping mall sa Barangay Sto. Cristo.
Ayon kay P/Lt. Col. Roldantes Sarmiento, hepe ng PS-15, ang biktima kasama ang kanyang ina ay namamasyal sa mall nang dumaan sa likod ang engineer at iniuntog umano ang ari nito sa likod ng bata.
Agad namang sinabi ng ina ng bata kay Glenn na “mag-excuse naman po kayo” pero sa halip na humingi ng dispensa, kinuyog at dinuro-duro pa di umano silang mag-ina ng mga kasama ng engineer.
Dahil walang laban, binidyuhan ng ina ng bata ang mga suspek pero muli siyang dinuro ng mga suspek at galit na sinabing “Bakit ka nagvi-video?”
Habang nagtatalo ang magkabilang panig, nanginginig sa takot na pumunta ang bata sa likuran ng kanyang ina na kalaunan ay naawat naman ng guwardiya ng mall at dinala sila sa himpilan ng pulisya.
“Nung pagpasok po namin sa department store para tumingin kami ng relo ng may bumunggo po sa anak ko na matandang lalaki at nabunggo din ako kasi tumama na kami sa glass kung saan nakalagay yung mga relo, sinabi ko sa kanya “Couldn’t have said excuse me,” tinignan ko siya dahil mukhang idinikit nya ang kanyang genitals sa anak ko dahil patagilid siyang dumaan sa likod naming mag ina,” pahayag ng ina ng bata.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republuc Act 11313 (Anti Bastos Law), Unjust Vexation at RA 7610 (Child Abuse) sa Quezon City Prosecutor’s Office. (Lily Reyes)
