
Ni Lily Reyes
HINIHINALANG onsehan sa droga ang posibleng sa pamamaril sa 22-anyos na lalaki ng kanyang mga katropa na hinihinalang mga tulak sa Quezon City Martes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si alyas “Jerry Boy”, may asawa, walang trabaho at nakatira sa Pinagkaisa St., Barangay Commonwealth, Quezon City.
Nakatakas naman ang suspek na nakilalang si alyas “Nel”, 21, binata, tricycle driver, at residente ng Lower Jasmine Ext., Brgy. Payatas A.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 2:51 ng hapon nitong Martes (June 17), nang maganap ang pamamaril sa harap ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni P/MSg Rainier Robert Abundo, nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang kaibigang si alyas “Mark Anthony, nang marinig nilang may sumisigaw ng “Jerry Boy. Dumungaw ang biktima upang alamin kung sino ang tumatawag sa kanya at doon ay nakita niya ang suspek na may kasamang isa pa na nakikilalang mga katropa nito.
Nang makita ang biktima ay sabay-sabay na bumunot ng baril ang suspek at ang mga ka-tropa nito at pinaputukan si Jerry Boy habang tumakas ang kasama niyang kaibigan na si Mark Anthony.
Ayon sa mga saksi, nagtangka ring tumakas ang biktima subalit hinabol siya ng dalawang suspek at nang maabutan ay agad itong pinagbabaril na nagresulta ng agaran nitong pagkasawi.
Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Maj Michael Jabel at sa pagsusuri ay nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Narekober sa pinangyarihan ang anim na fired cartridge casing ng kalibre .45, isang fired bullet, isang heat sealed at transparent plastic sachet na parehong naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang “shabu”.
Hinala ng pulisya na posibleng onsehan sa droga ang nangyaring pamamaril, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.