Ni LILY REYES
MATAPOS ang anim na linggo, nakahinga ng maluwag ang isang negosyante makaraan mabawi sa Tuguegarao City ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City ang tinangay na kotse.
Bagamat hindi pa rin nahuhuli ang suspek, tiniyak naman ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan na patuloy ang pagtugis sa carnapper na kinilala sa pangalang Chrystelle Ilao, 27-anyos at residente ng Barangay 24 sa Batangas City.
Kwento ng biktimang si Mike Edward Charles Lagrason, Enero 24 pa nang tangayin di umano ni Ilao ang kanyang Hyundai Reina na may plakang NAN-9103.
Nang tanungin kung paano napunta kay Ilao ang kotse, inamin ni Lagrason na negosyo niya ang pagbebenta ng iba’t ibang klase ng segunda manong sasakyan – at isa aniya ang suspek sa mga nakalusot sa installment plan. Gayunpaman, hindi na umano nagbayad si Ilao matapos makuha ang sedan.
Ayon kay DACU chief Major Hector Ortencio, nakatanggap ng impormasyon ang kanyang tanggapan hinggil sa nawawalang sasakyan ni Lagrason. Dito na ikinasa ni Ortencio ang operasyon sa isang malayong lalawigan sa norte.
Pagdating sa Barangay Cataggaman sa Tuguegarao City, narekober ang kinarnap na sasakyan sa isang babaeng nagngangalang Angelita Tumbali.
Todo-tanggi naman si Tumbali na nagsabing binenta lang din di umano sa kanya ni Ilao ang kotse sa ilalim ng kasunduang huhulugan niya ang sasakyan sa suspek kada buwan pagkatapos magbigay ng downpayment.
Bagamat tinutugis pa ang suspek, nakatakda naman isampa ng pulisya ang mga kasong Estafa base sa reklamo ng pinagbentahan ng sasakyan at Carnapping base sa alegasyon ni Lagrason sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Tinitiyak namin na ang mga kaukulang kasong kriminal ay maisasampa laban sa suspek na sangkot sa kasong ito. Nagpapasalamat din ako sa may-ari ng sasakyan sa pagtitiwala sa ating kapulisan – kaya mabilis natin nabawi ang sasakyan. Ang QCPD ay determinado sa pagpapatupad ng batas at pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng QCitizens,” pahayag ng QCPD chief.
