HALOS umusok ang ilong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos madiskubre na maraming mga pumping stations sa Metro Manila ang hindi pa nagamit kontra baha kahit minsan dahil palpak ang lokasyon.
Sa paglulunsad ng Oplan Kontra Baha sa Barangay San Dionisio sa Parañaque City, hindi naitago ng Pangulo ang pagkadismaya sa mga imprastrakturang tinustusan ng pamahalaan ng pondo sa paniwalang makakatulong solusyonan ang problema ng pagbaha sa Metro Manila.
Ayon sa Pangulo, bukod sa problema sa mga baradong estero at waterways, maraming pumping station ang hindi pa gumana kahit minsan dahil imbes na magbigay ng solusyon ay nagsisilbing harang sa pagdaloy ng tubig baha.
“Bakit? Dahil yung pumping station, mismo sa paglagay nila, yun pa ang nakaharang sa tubig. Imbes na magbigay ng solusyon, ito pa ang naging problema, yung mga pumping station na nilagay,” anang Pangulo.
Pag-amin ni Marcos, marami pang dapat na gawin ang gobyerno upang masolusyonan ang problema sa matinding pagbaha. Gayunpaman, nilinaw ni Marcos na uunahin muna ng pamahalaan linisin ang mga nakaharang basura sa mga estero, paghuhukay ng hanggang tatlong metro ang ilalim para maging malalim uit ang mga daluyan ng tubig.
Nagpasalamat ang Pangulo sa mga negosyanteng sina Ramon S. Ang at Manny Pangilinan na kapwa nagprisinta maghukay sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.
“Kailangan magtulungan at ito yung mangyayari. Bibilisan natin. Sana naman ay mabawasan,” dagdag ng Pangulo.
Batay sa pagtaya ng mga eksperto, mababawasan ng hanggang 60 percent ang pagbaha kung maging maayos ang mga daluyan ng tubig at maayos ang hindi gumaganang pumping stations.
