Ni EDWIN MORENO
MALAMIG na rehas ang kinahinatnan ng isang high-value target na pinaniniwalaang supplier ng mga artistang nalulong sa ipinagbabawal na gamot matapos dakpin ng National Bureau of Investigation sa isang operasyon sa Mandaluyong City.
Gayunpaman, tumanggi muna si NBI-NCR Regional Director Rommel Vallejo na pangalanan ang suspek na nagsasagawa ng door-to-door delivery ng iligal na droga sa mga parokyanong artista.
Narekober naman sa pag-iingat ng suspek sa isinagawang pagsalakay ng NBI-NCR sa apartment sa Mandaluyong City ang hinihinalang cocaine, at iba’t ibang kalibre ng baril na di umano’y ginamit na pambayad ng ilang sikat na parokyano.
Ayon sa NBI-NCR, mahigit isang dekada na ang operasyon ng drug supplier batay sa pagtatapat ng isang hindi pinangalanang impormante.
“Engaged siya sa pagbebenta ng mga party drugs tulad ng mga ecstacy at cocaine. He supplies his drug merchandise sa mga high end na bar sa Alabang, sa BGC and Makati. Merong mga celebrities at part ito sa magiging follow up investigation natin dahil may mga celebrities, hindi lang celebrities may mga businessman na client daw siya,” ayon kay Vallejo.
Tumanggi ang NBI pangalanan ang mga artista at negosyanteng ikinanta ng arestadong drug supplier.
