Ni LILY REYES
Himas rehas ngayon ang 56-anyos na supervisor ng Quezon City Engineering Office matapos ireklamo ng pangingikil ng milyong halaga sa isang negosyante sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si Noel Aquino Avila, tumatayong supervisor ng QC Engineering Office, at residente ng Sun Valley Subdivision, Cogeo, Antipolo City.
Batay sa sumbong ng 47-anyos pet food supplier na si Archie Ang Uy ng Binondo, Maynila, tumataginting na P2.6 milyon ang nakuha sa kanya ng suspek kapalit ng pangakong ayusin ang Building Permit, Business Permit, Zoning at Certificate of Exemption para sa Warehouse ng kanyang pet food business.
Sa ulat na isinumite ng mga operatiba kay Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) chief Major Don Don Llapitan, bandang 8:00 ng gabi (Marso 23), nang arestuhin sa entrapment ang suspek sa Army Navy Restaurant sa kahabaan ng Visayas Avenue, Barangay Vasra, Quezon City.
Base sa imbestigasyon ni PEMS Noel Balleras, humingi umano ng tulong si Uy kay Avila para iproseso ang mga kinakailangan dokumento para sa bodegang paglalagakan ng binebentang pet food.
Dito na umano humirit ng suspek ng pera para di umano mabilis na matapos ang mga dokumentong kailangan para sa pet food business ng biktima.
Kwento ni Uy, pinagdeposito umano siya ng dalawang tseke sa account ng Mary Jean Avila na kalaunan ay lumabas na asawa ng suspek – isang nagkakahalaga ng P1 milyon at bukod na tseke na may halagang P500,000 para di umano sa buong proseso.
Noong Oktubre 22, 2022, muling humingi ng P 1.1 million ang suspek para umano sa Certificate of Exemption kung saan muling idineposito ng complainant sa account ng asawa ng suspek.
Subalit matapos makuha ang pera, hindi na umano nakipag-ugnayan ang suspek sa biktima.
Pero nitong Marso 15, 2024, laking gulat ng biktima nang muling makipag-ugnayan sa kanya ang suspek at muling humingi ng P 1.7 million para umano sa Sangguniang Panlungsod na tutulong sa kanila para sa reclassification ng zoning para sa pag-iisyu ng Certificate of Exemption pero kinalaunan ay ibinaba ito sa P700,000.
Binantaan umano ng suspek ang complainant na hindi ipoproseso ang lahat ng dokumento kung hindi magpapadala ang biktima.
Dito na nagpasya si Uy na humingi ng tulong sa QCPD na agad nagkasa ng entrapment operation.
Ang resulta – timbog si Avila. Narekober din sa suspek ang limang piraso ng P1,000 at isang BDO check na may halagang P 700,000.
