WALA pang isang linggo mula nang ikandado ng Taguig City government ang Makati Park and Garden, agad na sunod naman pinasara ang Makati Aqua Sports Arena (MASA) sa Barangay West Rembo.
Sa isang pahayag kinondena ni Makati City Mayor Abby Binay ang aniya’y mapangahas na hakbang na di umano’y lubhang makakaapekto sa 4,400 estudyante mula sa 15 pampublikong paaralan ng Makati.
“Sorry to my young #ProudMakatizens. Unfortunately, MASA was also closed,” wika ni Binay sa kanyang Facebook post.
Giit ni Binay kapwa ilegal ang pagpapasara ng Makati Garden Park at Makati Aqua Sports Arena lalo pa aniya’t hindi saklaw ng Supreme Court decision na naglilipat ng 10 embo barangays sa Taguig, ang mga pasilidad na ipinatayo ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Taong 2023 nang magdesisyon ang Korte Suprema na ilipat sa Taguig and hurisdiksyon ang 10 bartangay kabilang ang Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside at Rizal.
Samantala, binweltahan ng Taguig ang Makati matapos tawagin silang “bully,” kaugnay ng closure order sa Makati Park and Garden sa Barangay West Rembo.
“If Taguig is a bully, what does that make of Makati, which the Supreme Court claimed to have unlawfully seized the territory of Taguig for more than three decades and collected taxes from it?” saad sa isang bahagi ng pahayag ng Taguig.
“Makati is the real expert in closing public facilities. What sets them apart from Taguig is that Makati’s closures are illegal and immoral,” anila pa.
Nanindigan rin ang Taguig na karapatan ng pamahalaang lungsod pangasiwaan ang mga pampublikong pasilidad sa loob ng nasasakupang teritoryo.
