WALANG kinalaman ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa anti- illegal POGO operation sa Century Peak Tower sa Ermita, Manila noong Oktubre 29.
“The Presidential Anti-Organized Crime Commission was not part of the raid that was spearheaded by the PNP-NCRPO (National Capital Region Police Office) and the PNP ACG (Anti-Cybercrime Group). We were never consulted nor informed regarding this operation. We never release any foreign nationals caught in POGOs,” anang PAOCC sa isang pahayag.
“Please do not associate PAOCC with flawed operations.” dugtong pa ng ahensya.
Partikular na dumistansya ang PAOCC sa operasyon na ayon sa nasabing ahensya ay depektibo — dahilan para palayain ang mga dinakip na Chinese nationals at iba pang dayuhang kasosyo di umano ng sinalakay na illegal POGO hub.
Pinangunahan ng PNP-ACG ang operasyon sa Century Peak Tower, kung saan sinasabing may operasyon ang pinasarang illegal POGO hub.
Giit ng PAOCC, kailanman ay hindi sumablay ang ahensya sa mga isinagawang operasyon kontra illegal POGO, kung saan bahagi sa pagsalakay ang Inter-Agency Council ng Department of Justice Against Trafficking at Bureau of Immigration.
Isinagawa ang raid sa Century Peak Tower dalawang araw bago salakayin ng PAOCC ang Central One Bataan PH, Inc. sa CentroPark sa Bagac, Bataan noong Oktubre 31 sa bisa ng search warrant mula sa Malolos regional trial court.
Nilinaw naman ng PNP-ACG na ang pagsalakay sa Maynila ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan ng Manila Police District – District Mobile Force Battalion, Securities and Exchange Commission at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Arestado sa nasabing POGO raid ang 69 katao kabilang ang 34 Indonesian, 10 Malaysian at 25 Chinese nationals na di umano’y sangkot sa cryptocurrency at romance scam.
