Ni LILY REYES
PAKIRAMDAM niyo ba’y parang lalagnatin?
Ganyan ang paglalarawan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa anila’y sukdulang init ng panahon na umiiral sa Metro Manila bunsod ng epekto ng nalalapit na tag-init.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, pumalo na sa 37 degrees Celsius ang heat index sa 17 lokalidad ng Metro Manila.
Babala ni PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, posibleng makaranas ang sinuman nakababad sa initan ng tila nilalagnat dulot ng matinding alinsangan, pananakit ng kasukasuan at panunuyo ng lalamunan.
Dagdag pa ni Dominguez, mananatili ang matinding init ng panahon hanggang sa unang linggo ng Marso. Bahagya naman aniyang bababa temperatura pagsapit ng Marso 9.
Umaasa naman ang state weather bureau na hihina na ang epekto ng El Niño pagpasok ng mga buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.
Gayunpaman, malaki ang posibilidad na pumalit ang La Niña pagtungtong ng Hunyo.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, nasa P357 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga pananim sa bansa bunsod ng El Niño.

