ISANG maalab na pagbati. Ang aking pitak ay pagpapahayag sa resulta ng aking mga obserbasyon at pagmumuni-muni ukol sa mga pangyayari sa ating lipunan — isang komentaryo at pagpuna sa mga nakikita kong mali at paminsan minsan pagpupugay sa mga tama at kabayanihan ng ating mga kababayan.
Karamihan ng pag uusapan natin ay politika, minsan ekonomiya, minsan, usaping lipunan. Hindi rin natin palalampasin ang usapin hinggil sa tinatawag na digmaang rosas.
Ako ay dating isang student activist sa kalagitnaan ng dekada otsenta hanggang sa bandang kalagitnaan ng dekada nobenta, ika nga, isang tibak. May mga nangyari sa mga kilusan noong kalagitnaan ng dekada nobenta (hindi ko na ilalahad pa, mabuting ibaon sa limot at hayaan na lang natin namnamin sa gitna ng inuman ng mga kupas na tibak ang mga kwentong ito) na naging dahilan ng aking pagkalas at pagbabalik sa pananahimik.
Sumubok mag hanapbuhay sa mundo ng pribadong pangangalakal, naging utusan at tuta ng mga kapitalista sa distritong kalakalan ng Makati/Ayala. Sa katagalan, mapapansin mo rin na ang pagmamalabis at pagsasamantala ay nananatili sa lipunan at pamahalaan.
Sinubok kong makatulong sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga sangay ng pamahalaan at mga NGO. Sa kabila ng lahat, may kakaibang kati pa rin sa aking kaluluwa na nagpupumilit sumigaw laban sa walang habas na nakawan, patayan, at pagsasamantala sa bayan — higit lalo sa nakalipas na dekada.
Nagsimula kami ng podcast sa Youtube na pinamagatang POLITIKANTO, na nakatawag pansin at ngayo’y naimbitahang sumulat. Pinamagatan ko itong SOLTERONG TIBAK dahil ako ay nakikibaka mag-isa. Solo akong humihiyaw sa kalagitnaan ng kawalan laban sa nakikita kong katiwalian at pagsasamantala.
Galit ako sa DDS, hindi ako Kakampik, BBM, dilawan, luntian, o pulahan. Isa akong ordinaryong Pilipino, manginginom sa kanto, nagmumura at nginangaratan ang mga magnanakaw na nagtatago sa katagang LINGKOD BAYAN.
* * *
Game na. Sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ni Senador Francis Escudero (alyas Boy Kilay), usap-usapan ang naghihintay na kapalaran ng kanyang asawang si Heart Evangelista.
Alam naman natin eskandalong kinasasangkutan ni alyas Boy Kilay, kabilang ang pagwalanghiya sa budget, pagbalahura sa NEP, ang walang hiyang pagbasura sa impeachment ni Inday Lustay, ang pagreragalo ng singsing na nagkakahalaga ng halos P60-milyong singsing sa esposa, ang pagpapasuot ng kolyar sa aso na nagkakahalaga ng labing dalawang milyong piso, ang paghingi ng mga kickback sa budget ng DPWH.
Pero sa kabila pa ng lahat ng ito, P18.84 milyon lang ang kanyang idineklara sa kanyang SALN — hindi pa kasali dyan ang umano’y kinita sa kampanya ni Senador Grace Poe.
Mabigat sa loob ng mga Pilipino na ang SALN lamang ni Kilay ang nagkakahalaga lamang ng 18.84M.
Hindi sapat ang katagang KAMANGHA-MANGHA, KAHINDIK-HINDIK, KAGILA-GILALAS para ilarawan ang SALN ng mga kriminal sa senado.Si Bong Go na kanang kamay ni Digong, pinipintakasing utak at itinatagong patron ng mga Discaya sa flood control scam, kakuntsaba nila Michael Yang sa Pharmally Scandal, sinasabing tagapamahala ni Digong sa overpricing ng Sinovac vaccines, pangingialam sa at pagbabago ng fire control system ng mga barko ng katingang hukbo sa modernization program at sinasabing may pag-aaring bahay at lupa sa Ayala Alabang. Ang kanyang idineklara sa SALN — P32.43M.
Nandyan din si puganteng Pebbles, na dating CPNP, na nakunan ng litrato na nagsusuot ng relong AUDiGiER PIQUET na nagkakahalaga ng P50 milyon, kilala sa DFA na tatlo hanggang apat na beses kada taon kung magpunta ng Istanbul para mag shopping ay mayroon lamang 34.29M sa SALN. (tangna tong si Pebbles at Bonggolloyd, kaliwat kanan ng tatay katay, hindi talaga naglayo ng SALN, halatang pinag-usapan.)
Tangina din ito si Judas Is Lord, P49.50 milyon, baka sa mga regalo palang niya sa batambata nyang iskolar kulang pa, wag na nating isama yung halaga katas ng mga inanod ng baha sa Bulacan.
O itong si Markobeta na kundi ba naman tanga, nagreport sa SALN ng P51.96 milyon samantalang ang SOCE nya pa lang mahigit 112 milyon na. Wag na nating isama yung kinita ng asawa nya bilang ahente ng Stronghold sa insurance bond ng mga Discaya. (P7B ang bond, kung 10% ang premium at ang commission ay 10% na lang, P70M na agad yun, sa isang transaksyon lamang. Pag-uusapan natin si Markobeta sa ibang kolum)
Sa ngayon, unahin natin ang digmaang rosas ni puso at kilay, at bakit hihimas ng rehas si puso.
Nabanggit na natin na maraming umaangal na under-declared ang SALN ni kilay. Pero tandaan ng lahat na abogado si kilay. Alam nya na ayon sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa SALN law — sa ordinaryong kaganapan, ang SALN ay dapat nagtataglay ng pinagsamang halaga ng ari-arian ng mag-asawa maliban na lang kung may pinirmahan silang kasunduan bago ikasal hinggil sa kanilang pag-aari.
Sa ilalim ng tinatawag na prenuptial agreement, hiwalay ang yaman ni lalaki sa babae. Ang pag-aari ni mister at kanya. Gayundin ang kanyang esposa. Hindi pwede pagsamahin sa bisa ng kasal anuman ang meron sila.
Kapag walang prenup, karaniwang kalakaran ay ang absolute community of property regime, o ang pag-iisa ng lahat ng mga ari-arian ng mag-asawa.
Karaniwan itong ginagawa bilang proteksyon sa mga ari-arian ng babae — kung mas mayaman siya kesa kay mister, tulad ng sitwasyon ni Sharon at Kiko. Bunga ito ng pananaw nating mga Pilipino na dapat lalaki ang nagtataguyod ng pamilya at ang kinikita ng babae ay para sa sarili niyang pangangailangan.
Pero tignan natin ang sitwasyon ni Kilay at Puso. Totoo bang mas mayaman si Puso? Hindi naman superstar si Puso katulad ni Sharon, Sarah Geronimo o ni Bea Alonzo na ang mga pelikula ay tumatabo sa takilya, may sariling establisyemento at negosyo sa sariling pangalan, nagpapasara ng kalsada sa tuwing sumasama sa parada.
Samantalang naka ilang termino na bilang kongresista at senador si Kilay bago siya naging esposa. Kung pamilya naman ang pag-uusapan, si Puso ay isang Ongpauco, pero hindi yung may-ari ng restaurant chain na Barrio Fiesta, tiyuhin nya yun. Tatay siya ng may-ari ng Barrio Fiesta bagoong na nasa garapon. Hindi naman sila nagdarahop pero hindi rin marangya, nakakaangat lang.
Samantalang ang pamilya ni Kilay ang galing sa angkan ng mga beteranong politiko. Ang ama ay dalawang beses naging miyembro ng gabinete, at ilang ulit naging congressman, si Kilay ilang termino din nagsilbi bilang kongresista, gobernador at senador, ang kapatid ay kongresista, bayaw ay kontraktor. Kaya kung susumahin, parang hindi para sa proteksyon ni Puso ang prenup.
Suriin din natin ang kasalukuyang kinikita at ari-arian ni Puso, baka dun nagkakatalo. Ang sinasabing marital home nila sa New Manila ay nagkakahalaga ng P50M, lupa pa lang. Meron din daw apartment si Puso sa Paris kung saan siya tumutuloy ng glam team nya tuwing nag momodel siya dun. Isa si Puso sa mga kinikilalang OG influencer na nagmamay ari ng mamahaling mga gamit na kanyang minomodel. Isa ring bantog na pintor si Puso, nagpipinta ng mga mamahaling bag na binibili sa kanya ng dan daang libo ang bawat isa at mga obra na sinasabing nagkakahalaga ng tatlong milyong ang bawat isa. Mukha ngang si Puso ang bumubuhay sa kanilang magasawa.
Sa unang tingin.
Kung matatandaan ninyo, noong panahong nag-isang dibdib sila, contract star na ng GMA 7 si Puso. Pero hindi naman ganun kalaki ang kinikita nya dahil wala naman syang blockbuster show. In fact naalala nyo na nag-away sila ni Annabelle Rama, yung manager nya na nakipag negotiate ng kanyang paglipat sa GMA-7 na ayon sa mga balibalita, ito ay dahil sa panghihinayang niyang ibigay kay Anabelle ang commission, dahil daw may pangangailangan ang pamilya nila.
Nagkaroon siya dito ng masamang reputasyon at nawalan ng magaling na manager kaya natuyuan ng projects. Ang ginastos sa kasal nila ay puro galing sa friends and donations. Pinalagpas natin ito dahil ng naniniwala pa tayong matuwid si Kilay, kahit na sa totoo lang, bawal sa batas tumanggap ng donasyon personal ang isang kawani o opisyal ng pamahalaan.
Meron na sila ditong prenup kaya hiwalay na ang kanilang mga ari-arian. Ang bahay sa New Manila na nagkakahalaga ng 50M, lote pa lang ay nakapangalan kay Puso. Pero bakit nung minsan daw na nag-away silang mag-asawa, si Puso ang pinalayas ng bahay? Ayon na rin yan sa kwento ni Puso.
Gaano ba talaga kalaki ang kinikita ng isang model/influencer na tulad ni Puso? Wala naman siya sa listahan ng mga top ten highest paying taxpayers ng BIR.
Ang mamahal ng mga gamit na ibinabandera nya sa kanyang social media accounts. Kung ito ay bigay ng mga kompanyang kanyang minomodel, dine-declare ba niya ito? Ang sabi nya, kumikita sya ng P2M kada rampa sa Paris.
Pero magkano ba ang bawat biyahe nya sa Paris? Mayroon siyang glam team na kasama kapag bumiyahe. May fashion stylist, hair stylist, makeup artist, baklang PA na siya ang nagbabayad ng pamasahe, bahay at kain.
Kung lima na lang sila at tinatayang P150k na lang ang ticket ng isang tao, 900k na agad yun. Pagkain pa at taxi nila paikot ikot, wag na nating isiping nag hire sila ng limo service. Cost of makeup, clothes, accessories, incidentals; parang kulang na agad yung P2 milyon. Paano yung bahay sa paris? Paano niya pinag-ipunan yun, saan galing ang pambayad? Paano ang amilyar? Ang income tax? Dito ba sya nagbabayad o sa France since dual citizen siya at dun kinita ang mga pera niya bilang influencer.
Pero meron syang mga bag at obrang binebenta na nagkakahalaga ng milyon-milyon ang isa. Isa ba siyang national artist na nasa kalibre ni ang Kiukok, Manansala, o Juvenal Sanso? Wag na nating idamay sila Botong at Amorsolo, masyado ng mataas yun.
Pero bakit ganun kamahal ang kanyang obra? Mas mahal pa keysa obra ni Joey de leon? Kapag inimbistigahan ng BIR ang mga bilihan ng mga obrang ito, ang unang tinitignan, sino ang mga bumili at magkano. Susunod na itatanong, ano ang mga negosyo ng mga taong ito, upang makayanan nilang bumili ng mga ganito kamamahal na mga obra at ano ang relasyon nila sa mag-asawa.
At paano yung sikat na sikat na paraiba tourmaline ring na nagkakahalaga ng $1,000,000.00, isang milyong dolyar para sa isang singsing na regalo sa kanya ng kanyang esposo. Bilangin nyo kung ilang zero yan, at dolyar hindi peso.
Ang lahat ng ito ay mukhang wala sa tax returns ni Puso. Posibleng dun nya sa France binayaran ang buwis nito, pero kung ganoon, bakit walang sinubmit sa BIR na foreign tax return. Kung hindi maayos ito, malamang makasuhan sya ng tax evasion.
Pero ang mas mabigat ng kaso ay ang lalabas sa pagsusuri ng mga pangyayari sa buhay nilang mag-asawa. May basehan para paniwalaan na itinatago ni Kilay ang mga kinikita niyang patago bilang senador at gobernador sa pangalan ni Puso para makalusot sa SALN law.
Naalala nyo yung mga painting? Paano kung makita nila na ang mga bumili pala ay mga contractor na may malalaking kontrata at konektado sa mga insertions at flood control at iba ibang proyekto ni Kilay? Ibig sabihin, hinuhugasan ng mag-asawa ang perang galing sa masama, at idinadaan kay Puso para hindi halata. At dahil may prenup, ibig sabihin, pinag planuhan nila ito mula sa simula.
At dahil ayon sa batas, hindi maaaring maging testigo ang asawa, ibig sabihin kasabwat sya. At dahil hindi siya politiko, siya ang makukulong. Parang Johnny at Gigi lang yan. At ang huling balita ng ombudsman, nakita na ng AMLC ang money trail. MUKHANG MAY REMAKE NG BULAKLAK NG CITY JAIL.
