MAS pinag-igting ng pamahalaan ang pagpapalayas sa mga dayuhang hayagan ang paglabag sa umiiral na immigration law sa bansa.
Sa Homonhon Island sa Eastern Samar, 13 Chinese nationals ang dinakip ng mga pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon sa dalawang minahan.
Ayon kay BI-Intelligence Division chief Fortunato Manahan, Jr., 11 sa mga arestadong Chinese nationals ang may hawak na working visa pero nagtatrabaho sa ibang kumpanya.
Bistado naman ang isa pang dayuhan na may hawak na retiree’s visa habang buking na overstaying ang isa pa.
“Illegal employment undermines local laws and communities. We are committed to monitoring and addressing cases like these to protect our borders and environment,” wika ni Immigration Commissioner Joel Viado.
“The recent operation on Homonhon Island highlights our close coordination with national agencies to ensure compliance with our regulations,” pagtatapos ng opisyal.
