MASUSING pinag-aaralan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa 24 local officials na napag-alamang nasa ibang bansa habang nananalasa ang sakuna sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bago pa man ang pananalasa ng bagyo, una nang naglabas si DILG Secretary Jonvic Remulla ng travel ban para tiyakin mabibigyan ng karampatang atensyon ng mga lokal na opisyal ang kapakanan ng mga mamamayan sa nasasakupan.
Kabilang sa mga kasong target isampa sa 24 local officials ang gross negligence, gross insubordination, at abandonment of post.
Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na hindi kabilang sa listahan si Isabela Governor Rodolfo Albano III, na nasa Germany para sa taunang agri-fair nang dumaan ang Super Typhoon Uwan.
Exempted din aniya sa travel ban si Pampanga Governor Lilia Pineda, na pinahintulutan bumiyahe papuntang Amerika para sa medical procedure.
Kamakailan lang, usap-usapan sa social media ang paglalamyerda di umano ng 24 local officials kabilang ang pitong mayor at isang board member sa Cebu na nasa United Kingdom habang binabayo ng bagyong Tino ang nabanggit na probinsya.
