SA kabila ng executive order na nagbabawal sa lahat ng offshore gaming operations sa bansa, huli sa akto ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang operasyon ng isang malaking illegal POGO hub sa bayan ng Bagac, lalawigan ng Bataan.
Batay sa paunang ulat ng PAOCC, nasa 900 ang empleyado ng naturang POGO hub. Sa naturang bilang 600 ang Pinoy habang 300 naman ang dayuhan — kabilang ang mga Chinese nationals at mga indibidwal mula sa bansang Malaysia, Indonesia at Thailand.
Sa imbestigasyon ng PAOCC, lumalabas na 10 Chinese nationals ang nasa likod ng naturang illegal POGO hub. Kabilang din umano sa mga kasosyo ang apat na Malaysian, dalawang Thai na dinakip sa bisa ng search warrant na inilabas ng Malolos regional trial court matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa di umano’y “force labor” sa naturang establisyemento.
Kabilang sa kasong posibleng ihain sa piskalya laban sa mga dayuhan ang qualified trafficking at at kawalan ng permit mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Bukod sa BAtaa, bistado rin ang operasyon ng illegal POGO sa isang hotel sa Malate District sa lungsod ng Maynila kung saan 75 katao ang inaresto.
Kumpiskado ng mga operatiba ang mga mobile phones, desktop computers, laptops, SIM cards, Digital Video Recorder (DVR), at face attendance machine.
