HIMAS-REHAS ang 20 Chinese nationals habang nasagip ang walong Pinoy sa hinihinalang scam hub sa magkahiwalay na operasyon sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga.
Sa datos ng Clark Development Corporation, unang nilusob ng mga awtoridad ang dalawang villa kung saan 17 Chinese nationals huli sa akto habang nagsasagawa ng online panggagantso.
Narekober sa naturang pagsalakay ang mga laptop at mobile phones na pinaniniwalaang ginagamit sa modus. Nakatakda naman isailalim sa digital forensic examination ang mga computers at gadgets para kumalap ng mas marami pang impormasyon sa operasyon ng mga suspek.
Batay sa mga chat na nakita sa computer, ang mga suspek ay nagpapatakbo ng love scam.
Ayon sa mga nasagip na Pinoy sa operasyon, nagtatrabaho sila sa loob ng scam hub ng mahigit walong oras sa isang araw.
“May friend po na nagyayaya lang po. Maghahanap po ng client. Yun po ang inaaral po namin kasi one week pa lang po kami rito,” ayon sa pahayag ng isa sa mga nasagip.
“Bago lang po talaga ako rito. Kakadating lang po namin kahapon. May inaantay po kaming tao. Hindi po namin alam basta ang sabi po mag-antay lang po kami dito,” ayon pa sa isa.
Hindi naman nakapagbigay ng pahayag ang 17 arestadong Chinese nationals.
Samantala, nilusob din ang isa pang residential unit malapit sa villa na na unang ni-raid kung saan tatlong Chinese nationals naman ang dinakma dahil sa online fraud.
Dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga suspek. Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang magkaugnay ang dalawang grupo.
Ayon naman kay Clark Development Corporation vice president for security Retired Major General Lina Sarmiento, “Dito sa loob ng Clark Freeport Zone since 2023, ipinagbabawal na ng Clark Development Corporation ang anumang gawain na may kinalaman sa POGO. So napaka importante nito dahil talagang nililinis na natin ‘yung ating bakuran dito.”
Ang mga raid ay pinangunahan ng Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Clark Development Corporation. (LILY REYES)
