SAMPUNG araw matapos ang pananalasa ng bagyong Tino sa lalawigan ng Cebu, tiniyak ng pamunuan ng Central Visayas Police Office (PRO-7) ang patuloy at mas pinaigting na paghahanap sa iba pang nawawalang biktima ng flash flood.
Ito ang tugon ni Central Visayas police regional director Brig. Gen. Redrico Maranan sa harap ng kabi-kabilang reklamo ng mga residente hinggil sa umano’y mabahong amoy na posible umanong mula sa labi ng taong namatay bunsod ng bangis ng nagdaang bagyo.
Kabilang aniya sa mga hakbang na isinasagawa ng PRO-7 ang pagde-deploy ng karagdagang search dogs mula sa PNP-EOD K9 at Philippine Coast Guard para mas mapabilis ang paghahanap sa mga nawawalang indibidwal.
Personal na pinangunahan ng heneral ang Search and Retrieval Operation sa Brgy. Bacayan sa Cebu City kung saan may limang residente pa ang naiulat na nawawala.
Sa gitna ng paghahanap, nagpakita ng indikasyon ang mga aso sa ibabaw ng mga naipon na mga debris sa gilid ng ilog sa Sitio Common na agad naman kinordonan ng Search Team para simulan ang paghuhukay.
“Napakalaking tulong ng mga search dogs na ito sapagkat alam natin ang aso ay may matalas na pang amoy mga nasa ilalim lupa at debris. Naka-kasave tayo ng manpower at yung prioritization nalalaman natin kung alin ang unang huhukayin at bubuklatin”
Una nang binisita ni Maranan ang isinasagawang clearing at search and retrieval operations sa bayan ng Liloan at sa Compostela.
Sa datos ng Office of the Civil Defense, 150 indibidwal na ang naitalang namatay, 451 ang nasugatan habang 57 pa ang nawawala sa buong lalawigan ng Cebu
Giit ni General Maranan, hindi sila titigil sa paghahanap hanggang sa makita ang lahat ng mga nawawalang biktima.
“We don’t want impose a self declare timeline sapagkat nakita natin yung magnitude ng pinsala ng bagyong Tino but nevertheless ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya, utilizing all our available resources. Hindi tayo titigil hanggat hindi natin na aaccount lahat ng missing persons na biktima ng trahedya.” (EDWIN MORENO)
