HINDI na nagawa pang isugod sa pagamutan ang bise alkalde ng isang bayan sa Maguindanao matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Pandan, munisipalidad ng South Upi.
Sa ulat ng lokal na pulisya, dead on the spot si Vice Mayor Roldan Benito bunsod ng mga tama ng balang lumusot sa minamanehong pick-up dakong alas 4:00 ng hapon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na kasama ng lokal na opisyal ang kanyang mag-inang kapwa nasugatan sa pamamaril ng hindi pa natutukoy na salarin. Patuloy pa ang paglalapat ng lunas kay Gng. Analyn Benito at 11-anyos na anak na lalaki. Kapwa sila may tama rin ng bala sa katawan.
Hindi naman naging kasing palad ng mag-inang Benito ang isa pang kasama sa sasakyan – isang nagngangalang Weng Marcos na di umano’y security escort ng pumanaw na opisyal.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring tukuyin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.
