Ni LILY REYES
HINDI dahilan ang pagiging bilanggo para makapagtapos sa kolehiyo, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kasabay ng anunsyo sa mas pinalawak na programang “college education behind bars.”
Sa isang kalatas, nanindigan ni BJMP Director Ruel Rivera na hindi pwedeng alisan ng karapatan makapag-aral ang mga “persons deprived of liberty” lalo pa’t malinaw na nakasaad sa batas isang “reformatory institution” ang mga pasilidad kung saan karaniwang dinadala ang mga taong pinaniniwalaang nagkasala o lumabag sa umiiral na batas.
Para kay Rivera, higit na angkop palawakin ang programang “college education behind bars” na naglalayong maisakatuparan ng mga persons deprived of liberty ang kani-kanilang pangarap na makatapos ng pag-aaral.
Garantiya ni Rivera, hindi hahadlangan ng kawanihan ang pangarap ng bawat preso makapag-aral bilang paghahanda sa kanilang muling pag-anib sa lipunan sa sandaling dumating ang takdang panahon ng paglaya.
Paglilinaw ng BJMP chief, pawang inosente ang mga PDL sa kanilang pangangasiwa – hanggat hindi pa lumalabas ang hatol ng husgado na dumidinig sa kasong kinakaharap ng mga preso.
Sa datos ng kawanihan, nasa 425 na ang bilang ng mga PDLs na nag-aaral sa antas ng kolehiyo. Pinakamarami aniya ang PDL college students sa Baliwag City Jail na may 40 estudyante.
Kasunod naman ang Quezon City Jail Female Dorm at Sta. Rosa City Male Dorm na may 39 enrollees at Davao City Jail na may 36 enrollees.
Dalawa ang inaasahang magtatapos ngayong Agosto 2024, anim sa 2025, lima sa 2026, walo sa 2027, at isa sa 2028.
